Ang ika-XXIII Pandaigdigang Araw ng mga Kabataan

Minamahal kong mga kaibigang kabataan!

1. Ang ika-XXIII Pandaigdigang Araw ng mga Kabataan

Lagi kong naalala nang may malaking kagalakan ang iba’t-ibang okasyong ating pinagsaluhan sa Cologne noong Agosto 2005. Sa katapusan ng di-makalilimutang pagpapakitang iyon ng pananampalataya at sigla na nananatiling nakaukit sa aking diwa at sa aking puso, gumawa ako ng isang tipanan sa inyo para sa susunod na pagtitipon na gaganapin sa Sydney sa 2008. Ito ang XXIII Pandaigdigang Araw ng mga Kabataan at ang magiging paksa ay: “Kayo ay tatanggap ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo; at kayo'y magiging mga saksi ko” [Gw 1:8]. Ang pinaka-paksa ng espiritwal na paghahanda para sa ating pagkikita sa Sydney ay ang Espiritu Santo at ang misyon. Noong 2006, itinuon natin ang ating pansin sa Espiritu Santo bilang Espiritu ng Katotohonan. Ngayong 2007 naghahanap tayo ng mas malalim na pag-unawa sa Espiritu ng Pag-ibig. Ipagpapatuloy natin ang paglalakbay patungo sa Pandaigdigang Araw ng mga Kabataan 2008 sa pamamagitan ng pagninilay sa Espiritu ng Lakas at Pagsaksi na nagbibigay sa atin ng tibay ng loob upang mamuhay ayon sa Ebanghelyo at ipahayag ito nang buong tapang. Kaya naman napakahalaga na bawat isa sa inyong mga kabataan – sa inyong mga pamayanan, at kasama yaong mga nangangalaga ng inyong edukasyon – ay makapagnilay dito sa Pangunahing Kinatawan ng kasaysayan ng kaligtasan, ang Espiritu Santo o ang Espiritu ni Hesus. Sa paraang ito ay makakamit ninyo ang sumusunod na mga matatayog na layon: ang makilala nang tunay ang Espiritu, unang-una sa pamamagitan ng pakikinig sa Salita ng Diyos sa Pagpapahayag ng Biblia; ang magkamalay nang malinaw tungkol sa kanyang patuloy at masiglang presensiya sa buhay ng Simbahan, lalo na habang inyong tinutuklas-muli na ang Espiritu Santo ay ang “kaluluwa”, ang nagbibigay-hininga sa buhay Kristiyano, sa pamamagitan ng mga sakramento ng Kristiyanong pagtanggap – Binyag, Kumpil at Eukaristiya; ang lumago sa gayon sa pag-unawa kay Hesus na nagiging mas malalim at mas masaya at, gayundin, ang isabuhay ang Ebanghelyo sa bukang-liwayway ng ikatlong milenyo. Sa mensaheng ito, magalak kong inihahandog sa inyo ang isang balangkas para sa pagninilay na maaari ninyong siyasatin dito sa taong ito ng paghahanda. Sa ganitong paraan masusubok ninyo ang kalidad ng inyong pananampalataya sa Espiritu Santo, masumpungan itong muli kung ito ay nawala, palakasin ito kung ito ay naging mahina, namnamin ito bilang pakikisama sa Ama at sa kanyang Anak na si Hesukristo, na isinasakatuparan sa pamamagitan ng di maisasantabing gawain ng Espiritu Santo. Huwag ninyong kalimutan na ang Simbahan, at ang buong sangkatauhan mismo, kasama ang lahat ng tao sa paligid ninyo ngayon at yaong mga naghihintay sa inyo sa hinaharap, ay malaki ang inaasahan mula sa inyong mga kabataan, sapagkat nasa loob ninyo ang pinakadakilang handog ng Ama, ang Espiritu ni Hesus.

2. Ang pangako ng Espiritu Santo sa Biblia

Ang taimtim na pakikinig sa Salita ng Diyos tungkol sa misteryo at pagkilos ng Espiritu Santo ay nagbubukas sa atin sa mga dakila at kinasihang kaisipan na aking ilalagom sa mga sumusunod na puntos.

Bago ang kanyang Pag-akyat sa langit, sinabi ni Hesus sa kanyang mga disipulo: “Tandaan ninyo, isusugo ko sa inyo ang ipinangako ng aking Ama” [Lu 24:49]. Ito ay naganap sa araw ng Pentekostes habang sila ay nagkakatipon sa Silid sa Itaas kasama ang Birheng Maria. Ang pagbubuhos ng Espiritu Santo sa nagsisimulang Simbahan ay ang katuparan ng pangakong ginawa noong sinauna ng Diyos, ipinaalam at inihanda sa buong panahong itinagal ng Lumang Tipan.

Sa katunayan, mula sa pagbubukas nito, ipinapakita ng Biblia ang espiritu ng Diyos bilang hangin na “kumikilos sa ibabaw ng tubig” [cf. Gen 1:2]. Sinasabi nito na hinipan ng Diyos ang ilong ng tao ng hininga ng buhay [cf. Gen 2:7], at sa gayon ay pinuspos siya ng buhay. Pagkatapos ng kasalanang mana, ang nagbibigay-buhay na espiritu ng Diyos ay mamamalas sa kasaysayan ng sangkatauhan, tumatawag ng mga propeta upang hikayatin ang piniling sambayanan na manumbalik sa Diyos at tumalima nang tapat sa kanyang mga utos. Sa kilalang pangitain ng propeta Ezekiel, pinanumbalik ng Diyos, kasama ang kanyang espiritu, ang buhay sa sambayanan ng Israel, na sinasagisag ng mga “tuyong buto” [cf. 37:1-14]. Hinulaan ni Joel ang isang “pagbubuhos ng espiritu” sa lahat ng mga tao, nang walang isinasantabing sinuman. Isinulat ng may-akdang banal: “Pagkatapos nito, ibubuhos ko ang aking espiritu sa lahat ng tao… Sa panahong iyan, ibubuhos ko ang aking espiritu pati sa mga alipin, lalaki't babae” [3:1-2].

Sa “kaganapan ng panahon” [cf. Ga 4:4], ipinahayag ng anghel ng Panginoon sa Birhen ng Nasaret na ang Espiritu Santo, “ang kapangyarihan ng Kataas-taasan”, ay pupunta sa kanya at lililiman siya. Ang sanggol na ipanganganak ay banal at tatawaging Anak ng Diyos [cf. Lu 1:35]. Sa mga salita ng propeta Isaias, ang Mesiyas ang siyang hihimlayan ng Espiritu ng Panginoon [cf. 11:1-2; 42:1]. Ito ang hula na muling dinala ni Hesus sa simula ng kanyang ministeryong publiko sa sinagoga sa Nasaret. Sa pagkamangha ng mga naroroon, sinabi niya: “Ang Espiritu ng Panginoon ay sumasaakin, sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral sa mga mahihirap ang mabuting balita. Isinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila’y lalaya at sa mga bulag na sila’y makakakita, upang palayain ang mga inaapi, upang ipahayag na darating na ang panahon ng pagliligtas ng Panginoon” [Lu 4:18-19; cf. Is 61:1-2]. Kausap yaong mga naroroon, tinukoy niya ang mga hulang-salitang iyon sa kanyang sarili sa pagsasabing: “Natupad ngayon ang Kasulatang ito samantalang nakikinig kayo” [Lu 4:21]. Muli, bago ang kanyang pagkamatay sa Krus, sasabihin niya nang makailang beses sa kanyang mga disipulo ang tungkol sa pagdating ng Espiritu Santo, ang “Tagapagtanggol” na ang misyon ay magbigay saksi sa kanya at tulungan ang mga sumasampalataya sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila at paggabay sa kanila tungo sa kaganapan ng Katotohanan [cf. Jn 14:16-17, 25-26; 15:26; 16:13].

3. Pentekostes, ang pinagmulan ng paghayo para sa misyon ng Simbahan

Noong gabi ng araw ng muling pagkabuhay, nagpakita si Hesus sa kanyang mga disipulo, “sila’y hiningahan niya at sinabi, ‘Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo” [Jn 20:22]. Taglay ang higit na kapangyarihan nanaog ang Espiritu Santo sa mga Apostoles noong araw ng Pentekostes. Ating nababasa sa Gawa ng mga Apostoles: “At biglang narinig ang isang ugong mula sa langit, animo’y hagunot ng malakas na hangin, at napuno nito ang bahay na kinaroroonan nila. May nakita silang wari’y mga dilang apoy na lumapag sa bawat isa sa kanila” [2:2-3].

Pinagpanibago ng Espiritu Santo ang mga Apostoles mula sa loob, pinuspos sila ng kapangyarihan na magbibigay sa kanila ng lakas ng loob na humayo at ipahayag nang buong tapang na “Si Kristo ay namatay at muling nabuhay!” Pinalaya mula sa lahat ng takot, nagsimula silang hayagang magsalita nang may tiwala sa sarili [cf. Gw 2:29, 4:13, 4:29,31]. Itong mga nahintakutang mangingisda ay naging mga matatapang na tagapaghayag ng Ebanghelyo. Kahit ang kanilang mga kaaway ay hindi maunawaan kung paanong “ang mga mangmang at mga karaniwang tao” [cf. Gw 4:13] ay makapagpapamalas ng ganoong tapang at matatagalan ang mga paghihirap, pagdurusa at pag-uusig nang may galak. Walang makapipigil sa kanila. Sa mga sumubok na patahimikan sila, sila ay tumugon: “Hindi maaaring di namin ipahayag ang aming nakita’t narinig” [Gw 4:20]. Sa ganitong paraan isinilang ang Simbahan, at mula noong araw ng Pentekostes hindi siya tumigil sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita “hanggang sa dulo ng daigdig” [Gw 1:8].

4. Ang Espiritu Santo, kaluluwa ng Simbahan at prinsipyo ng pakikipag-isa

Kung ating uunawain ang misyon ng Simbahan, kailangan nating bumalik sa Silid sa Itaas kung saan ang mga disipulo ay nanatiling magkakasama [cf. Lu 24:49], nananalangin kasama si Maria, ang “Ina”, hinihintay ang Espiritu na ipinangako. Ang larawang ito ng nagsisimulang Simbahan ay dapat maging patuloy na bukal ng inspirasyon para sa bawat sambayanang Kristiyano. Ang pagkamabungang apostoliko at misyonero ay hindi pangunahin dahil sa mga programa at pamamaraang pastoral na buong kakayahan at talinong ginawa, subalit ito ay resulta ng patuloy na pananalangin ng sambayanan (cf. Evangelii Nuntiandi, 75). Bukod dito, upang maging epektibo ang misyon, ang sambayanan ay dapat nagkakaisa, iyon ay, sila ay dapat “iisang puso at diwa” [cf. Gw 4:32], at sila ay dapat handang magbigay-saksi sa pag-ibig at galak na ipinupunla ng Espiritu Santo sa mga puso ng mga mananampalataya. Ang Lingkod ng Diyos Juan Pablo II ay sumulat na, bago pa man ang pagkilos, ang misyon ng Simbahan ay magbigay-saksi at mabuhay sa paraang nagniningning sa iba (cf. Redemptoris Missio, 26). Sinasabi sa atin ni Tertullian na ito ang nangyari noong mga unang panahon ng Kristiyanismo kung kailan nagbagong-loob ang mga pagano sa kanilang pagkamalas sa pag-ibig na naghahari sa mga Kristiyano: “Tingnan kung paano sila nagmamahalan” (cf. Apology, 39 § 7).

Upang tapusin ang munting pagsusuring ito ng Salita ng Diyos sa Bibliya, inaanyayahan ko kayo na pagmasdan kung paanong ang Espiritu Santo ang pinakamataas na handog ng Diyos sa sangkatauhan, at samakatuwid ang sukdulang pagpapatunay ng kanyang pag-ibig para sa atin, isang pag-ibig na ipinahahayag bilang “pag-ayon sa buhay” na niloloob ng Diyos para sa bawat niyang nilalang. Itong “pag-ayon sa buhay” ay naging ganap kay Hesus ng Nasaret at sa kanyang tagumpay laban sa kasamaan sa pamamagitan ng kanyang pagtutubos. Sa puntong ito, kailanman ay huwag nating kalilimutan na ang Ebanghelyo ni Hesus, nang dahil mismo sa Espiritu, ay hindi maaaring ibaba sa pagiging isang paglalahad lamang ng katotohan, sapagkat ito ay nilalayon upang maging “mabuting balita para sa mahihirap, kalayaan para sa mga bihag, paningin para sa mga bulag…”. Kasama ang anong dakilang kasiglahan nakita ito sa araw ng Pentekostes, habang ito ang naging grasya at gawain ng Simbahan para sa mundo, ang kanyang pangunahing misyon!

Tayo ang mga bunga ng misyong ito ng Simbahan sa pamamagitan ng gawain ng Espiritu Santo. Dala-dala natin sa ating mga kalooban ang tanda ng pag-ibig ng Ama kay Hesukristo na ang Espiritu Santo. Kailanman ay huwag natin itong kalilimutan, sapagkat inaalala tuwina ng Espiritu ng Panginoon ang bawat isa, at ninanais, lalo na sa pamamagitan ninyong mga kabataan, na lumikha ng hangin at apoy ng isang bagong Pentekostes sa daigidig.

5. Ang Espiritu Santo bilang “Guro ng buhay-loob”

Minamahal kong mga kaibigang kabataan, ang Espiritu Santo ay patuloy ngayong kumikilos nang may kapangyarihan sa Simbahan, at ang mga bunga ng Espiritu ay sagana ayon sa ating pagiging handa na maging bukas sa kapangyarihang ito na nagpapabago ng lahat. Sa ganitong kadahilanan mahalaga na kilala ng bawat isa sa atin ang Espiritu, magtatag ng isang ugnayan sa Kanya at hayaan ang ating mga sarili na gabayan Niya. Subalit sa puntong ito, isang tanong ang likas na lilitaw: sino ang Espiritu Santo para sa akin? Isang katotohanan na para sa maraming mga Kristiyano, Siya pa rin ang “dakilang di-kilala”. Kaya naman, habang naghahanda tayo para sa susunod na Pandaigdigang Araw ng mga Kabataan, ninais kong anyayahan kayo na makilala ang Espiritu Santo nang mas malalim sa isang personal na antas. Sa ating pagpapahayag ng pananampalataya ating binibigkas: “Sumasampalataya ako sa Espiritu Santo, ang Panginoon at tagapagbigay ng buhay, na nanggagaling sa Ama at sa Anak” (Kredong Nicene-Constantinopolitano). Oo, ang Espiritu Santo, ang Espiritu ng pag-ibig ng Ama at ng Anak, ay ang Bukal ng buhay na nagpapabanal sa atin, “sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos na sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ipinagkaloob na sa atin” [Ro 5:5]. Gayunpaman, hindi sapat na makilala ang Espiritu; kailangan natin siyang tanggapin bilang gabay ng ating mga kaluluwa, bilang “Guro ng buhay-loob” na siyang nagpapakilala sa atin sa Misteryo ng Banal na Santatlo, sapagkat Siya lamang ang makapagbubukas sa atin sa pananampalataya at magpapahintulot sa ating isabuhay ito nang ganap sa bawat araw. Ang Espiritu ang nagbubunsod sa atin patungo sa iba, nagpapaningas sa atin ng apoy ng pag-ibig, ginagawa tayong mga misyonero ng pag-ibig ng Diyos.

Lubos kong nalalamang taglay ninyong mga kabataan sa inyong mga puso ang dakilang pagpapahalaga at pagmamahal para kay Hesus, at ninanais ninyong Siya ay makita at makausap. Tunay nga, alalahanin ninyo na ang mismong presensiya ng Espiritu sa atinng kalooban ang siyang nagpapatibay, bumubuo at gumagawa sa ating pagkatao sa mismong Persona ni Hesus na ipinako sa krus at muling nabuhay. Kung kaya’t maging pamilyar tayo sa Espiritu Santo upang tayo ay maging pamilyar kay Hesus.

6. Ang mga Sakramento ng Kumpil at Eukaristiya

Marahil itatanong ninyo, paano namin hahayaan ang aming mga sarili na pagpanibaguhin ng Espiritu Santo at lumago sa buhay espirituwal? Ang sagot, gaya ng alam ninyo, ay ito: magagawa natin ang mga ito sa pamamagitan ng mga Sakramento, sapagkat ang pananampalataya ay ipinapanganak at pinapagtibay sa atin sa pamamagitan ng mga Sakramento, katangi-tangi yaong patungkol sa Kristiyanong pagtanggap: Binyag, Kumpil at ang Eukaristiya, na nagpupuno sa isa’t isa at hindi mapaghihiwalay (cf. Katesismo ng Simbahang Katolika, 1285). Ang katotohanang ito tungkol sa tatlong Sakramentong nagpapasimula sa ating buhay bilang mga Kristiyano ay marahil napapabayaan na sa buhay-pananampalataya ng maraming Kristiyano. Tinitingnan nila ang mga ito bilang mga pangyayaring naganap sa nakaraan at walang tunay na kahulugan para sa kasalukuyan, na tila ba mga ugat na walang pinagkukunan ng buhay. Nangyayari na maraming mga kabataan ang lumalayo sa kanilang buhay-pananampalataya pagkatapos nilang matanggap ang Kumpil. Mayroon ding mga kabataan na hindi pa natatanggap ang sakramentong ito. Subalit sa pamamagitan ng mga sakramento ng Binyag, Kumpil at, sa isang patuloy na paraan, ang Eukaristiya, tayo ay ginagawa ng Espiritu Santo na mga anak ng Ama, mga kapatid ni Hesus, mga kasapi ng kanyang Simbahan, may kakayahang maging tunay na saksi sa Ebanghelyo, at may kakayahang namnamin ang kagalakan ng pananampalataya.

Kaya nga’t inaanyayahan ko kayong magnilay sa aking isinusulat sa inyo. Sa panahong ito kailangang tuklasin muli ang sakramento ng Kumpil at ang mahalagang bahagi nito sa ating paglagong espirituwal. Yaong mga tumanggap sa mga sakramento ng Binyag at Kumpil ay dapat na laging tandaan na sila ay naging “mga templo ng Espritu”: nananahan ang Diyos sa kanila. Lagi ninyo itong alalahanin at pagsikapang pahintulutan na ang kayamanang nasa inyong kalooban ay magbunga ng kabanalan. Yaong mga nabinyagan subalit hindi pa nakukumpilan, paghandaan ninyo ang pagtanggap sa sakramentong ito nang may kaalaman na sa paraang ito kayo ay magiging mga “ganap” na Kristiyano, yayamang pinagaganap ng Kumpil ang biyaya ng Binyag (cf. Katesismo ng Simbahang Katolika, 1302-1304).

Binibigyan tayo ng Kumpil ng natatanging lakas upang magbigay-saksi sa at luwalhatian ang Diyos ng buo nating buhay [cf. Ro 12:1]. Ginagawa tayo nitong may matalik na kamalayan tungkol sa ating pagkabilang sa Simbahan, ang “Katawan ni Kristo”, kung saan tayong lahat ay mga buhay na bahagi, na may malasakit sa bawat isa [cf. 1 Cor 12:12-25]. Sa pagpayag na sila ay gabayan ng Espiritu, naihahandog ng bawat binyagan ang kani-kaniyang ambag sa pagtatayo ng Simbahan dahil sa mga karisma na bigay ng Espiritu, sapagkat “ang bawat isa’y binigyan ng kaloob na naghahayag na sumasakanya ang Espiritu, para sa ikabubuti ng lahat” [1 Cor 12:7]. Kapag kumikilos ang Espiritu, dinadala niya ang kaniyang mga bunga sa kaluluwa, at ang mga ito ay “pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, katiyagaan, kabaitan, kabutihan, katapatan, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili” [Ga 5:22]. Sa inyo na hindi pa nakatatanggap ng sakramento ng Kumpil, taos-puso ko kayong inaanyayahang maghanda upang tanggapin ito, at humingi ng tulong mula sa inyong mga pari. Ito ay isang natatanging okasyon ng biyaya na iniaalok sa inyo ng Panginoon. Huwag palampasin ang pagkakataong ito!

Nais kong magdagdag ng ilang salita tungkol sa Eukaristiya. Upang lumago sa ating buhay Kristiyano, kailangan tayong buhayin ng Katawan at Dugo ni Kristo. Sa katunayan, tayo ay binyagan at kumpirmado nang may pagtanaw sa Eukaristiya (cf. Katesismo ng Simbahang Katolika, 1322; Sacramentum Caritatis, 17). “Pinagmulan at taluktok” ng buhay ng Simbahan, ang Eukaristiya ay isang “palagiang Pentekostes” sapagkat sa tuwing ipinagdiriwang natin ang Misa, tinatanggap natin ang Espiritu Santo na siyang nag-uugnay sa atin nang mas malalim kay Kristo at nagbabago sa atin patungo sa Kanya. Minamahal kong mga kaibigang kabataan, kung palagi kayong nakikibahagi sa eukaristikong pagdiriwang, kung nagtatalaga kayo ng ilang panahon ninyo sa pagsamba sa Banal na Sakramento, ang Eukaristiya na siyang Bukal ng pag-ibig, matatamo ninyo ang masayang determinasyon na italaga ang inyong mga buhay sa pagsunod sa Ebanghelyo. Gayundin, mararanasan ninyo na sa tuwing ang ating lakas ay hindi sapat, ang Espiritu Santo ang siyang nagpapababago sa atin, pinupuno tayo ng kanyang lakas at ginagawa tayong mga saksing puno ng simbuyong-misyonero ni Kristong muling nabuhay.

7. Ang masidhing pangangailangan ng misyon

Tinatanaw ng maraming kabataanang kanilang buhay nang may agam-agam at nagtataas ng napakaraming mga katanungan ukol sa kanilang kinabukasan. Kanilang tinatanong nang may pagkabahala: Paano tayo mabubuhay sa isang mundong nababahiran ng napakalubhang kawalan ng katarungan at napakaraming pagdurusa? Paano tayo tutugon sa kasakiman at karahasan na minsan ay tila nananaig? Paano natin mabibigyan ng ganap na kahulugan ang buhay? Paano tayo makakatulong upang ang mga bunga ng Espiritu na isinaad sa taas, “pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, katiyagaan, kabaitan, kabutihan, katapatan, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili” (bilang 6), ay pumuno sa sugatan at marupok na mundong ito, ang mundo ng mga kabataan higit sa lahat? Sa anu-ano kayang mga kalagayan magiging “bagong kaluluwa” ng sangkatauhan ang Espiritu ng unang paglikha at lalo na ng ikalawang paglikha o pagtubos? Huwag nating kalilimutan na kung higit ang kadakilaang handog ng Diyos – at ang biyaya ng Espiritu ni Hesus ang pinakadakila sa lahat – lalo’t higit ang pangangailangan ng mundo na matanggap ito, at kaya naman mas malawak at mas nakatutuwa ang misyon ng Simbahan na magbigay ng kapani-paniwalang pagsaksi rito. Kayong mga kabataan, sa pamamagitan ng Pandaigdigang Araw ng mga Kabataan, ay naghahayag ng inyong kagustuhang makilahok sa misyong ito. Sa puntong ito, mahal kong mga kaibigang kabataan, ibig ko kayong paalalahanan dito ng ilang katotohanan upang pagnilayan. Muli kong inuulit na tanging si Kristo lamang ang makapupuno ng mga napakarubdob na adhikain na nasa puso ng bawat tao. Tanging si Kristo lamang ang may kakayahang gawing ganap ang pagkatao ng sangkatauhan at akayin ito sa “pagkadiyos”. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng kanyang Espiritu itinatanim niya sa ating kalooban ang maka-Diyos na pag-ibig, at ito ang nagbibigay sa atin ng kakayahan na mahalin ang ating kapwa at handang maglingkod. Tayo ay nililiwanagan ng Espiritu Santo, ipinahahayag si Kristong ipinako at nabuhay na mag-uli, at ipinapakita sa atin kung paanong mas maging kawangis Niya nang sa gayon tayo ay maging “kawangis at kasangkapan ng pagmamahal na dumadaloy mula kay Kristo” (Deus Caritas Est, 33). Silang nagpapahintulot na akayin ng Espiritu ay naiintindihan na ang paglalagak ng sarili sa paglilingkod sa Ebanghelyo ay hindi isang palamuti, dahil sila ay may kamalayan tungkol sa mahigpit na pangangailangang maibahagi ang Mabuting Balitang ito sa iba. Gayunpaman, kailangan tayong muling paalalahanan na maari lamang tayong maging mga saksi ni Kristo kung pinahihintulutan natin ang ating mga sarili na akayin ng Espiritu Santo na siyang “pangunahing kinatawan ng ebanghelisasyon” (cf. Evangelii Nuntiandi, 75) at “ang pangunahing kinatawanng misyon” (cf. Redemptoris Missio, 12). Minamahal kong mga kaibigang kabataan, tulad ng winika ng mga kagalang-galang na sinundan kong sina Pablo VI at Juan Pablo II sa maraming okasyon, ang pagpapahayag ng Ebanghelyo at pagbibigay-saksi sa pananampalataya ay mas kailangan higit sa kailanpaman ngayon (cf. Redemptoris Missio, 1). Mayroong mga nag-iisip na upang itanghal ang mahalagang yaman ng pananampalataya sa mga taong hindi nakikibahagi rito ay katumbas ng kawalan ng pag-alintana sa kanila, subalit hindi ito ang kaso, sapagkat ang pagtatanghal kay Kristo ay hindi sa pagpataw sa Kanya (cf. Evangelii Nuntiandi, 80). Bukod diyan, dalawang libong taon ang nakalipas labindalawang Apostoles ang nag-alay ng kanilang buhay upang si Kristo ay makilala at mahalin. Sa lahat ng siglo mula noon, ang Ebanghelyo ay patuloy na lumaganap sa pamamagitan ng mga lalaki at babaeng kinasihan ng parehong simbuyong-misyonero. Ngayon din mayroong pangangailangan para sa mga disipulo ni Kristo na nagbibigay nang walang pag-iimbot ng kanilang oras at lakas upang paglingkuran ang Ebanghelyo. Mayroong pangangailangan para sa mga kabataan na magbibigay pahintulot sa pagmamahal ng Diyos na mag-alab sa kanilang kalooban at bukas-palad na tutugon sa kanyang masidhing pagtawag, katulad ng ginawa ng mga kabataang pinagpala at santo noong nakaraan at maging sa di malayong panahon. Lalo na, tinitiyak ko sa inyo na inaanyayahan kayong mga kabataan ng Espiritu ni Hesus na maging tagapaghatid ng mabuting balita ni Hesus sa inyong mga ka-panahon. Ang hirap na walang dudang nakikita ng mga nakatatanda sa paglapit sa mundo ng kabataan sa isang paraan na nauunawaan at kapani-paniwala ay marahil isang tanda na gamit ng Espiritu upang himukin kayong mga kabataan na isabalikat ang gawaing ito. Alam ninyo ang mga huwaran, ang pananalita, at pati ang mga sugat, ang mga inaasahan, at kasama na rin ang hangarin para sa kabutihan na nadarama ng inyong mga ka-panahon. Ito ang nagbubukas ng napakalawak na mundo ng damdamin, trabaho, edukasyon, mga inaasahan, at pagdurusa ng mga kabataan... Ang bawat isa sa inyo ay dapat magkaroon ng lakas ng loob na mangako sa Espiritu Santo na magdadala kayo ng isang kabataan kay Hesukristo sa paraang tinuturing ninyong pinakamainam, maunawaan kung paano “magpaliwanag sa sinumang magtatanong sa inyo tyungkol sa inyong pag-asa, ngunit gawin ito nang mahinahon at mapitagan” [cf. 1 Ped 3:15].

Upang makamit ang adhikaing ito, mga minamahal kong kaibigan, dapat kayong maging banal at maging mga misyonero sapagkat hindi natin maihihiwalay ang kabanalan sa misyon (cf. Redemptoris Missio, 90). Huwag kayong matakot na maging mga banal na misyonero katulad ni San Francisco Javier na naglakbay sa Malayong Silangan nang ipinapahayag ang Mabuting Balita hanggang sa maubos ang kanyang huling lakas, o katulad ni Santa Teresa ng Niño Hesus na isang misyonera bagama’t hindi siya umalis ng kumbento ng Carmelo. Sila ay parehong “mga Patron ng mga Misyon”. Maging handa kayong ilagay sa bingit ang inyong buhay upang liwanagan ang mundo ng katotohanan ni Kristo; tumugon nang may pagmamahal sa pagkapoot at pagsasawalang-halaga sa buhay; ipahayag ang pag-asa ni Kristong muling nabuhay sa bawat sulok ng daigdig.

8. Pagtawag para sa isang “bagong Pentekostes” sa daigdig

Minamahal kong mga kaibigang kabataan, umaasa akong makita ang napakarami sa inyo sa Sydney sa Hulyo 2008. Ito ay magiging isang itinadhanang pagkakataon upang maranasan ang kaganapan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Dumating kayo sa malalaking bilang upang maging isang tanda ng pag-asa at upang magbigay ng malugod na suporta sa Simbahan sa Australia na naghahanda upang salubungin kayo. Para sa mga kabataan ng bansang sasalubong sa inyo, ito ay magiging isang bukod-tanging pagkakataon upang ipahayag ang kagandahan at galak ng Ebanghelyo sa isang lipunang sekular sa maraming paraan. Kailangang matuklasang muli ng Australia, gaya ng buong Oceania, ang kanilang kinaugatang Kristiyano. Sa Post-Synodal Apostolic Exhortation Ecclesia in Oceania, sinulat ni Papa Juan Pablo II: “Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, ang Simbahan sa Oceania ay naghahanda para sa isang bagong ebanghelisasyon ng mga sambayanang sa kasalukuyan ay gutom para kay Kristo… Isang bagong ebanghelisasyon ang pangunahing prayoridad para Simbahan sa Oceania” (bilang 18).

Kayo ay aking inaanyayahan na magbigay ng panahon sa panalangin at sa inyong espiritwal na paghuhubog sa huling yugtong ito ng paglalakbay patungo sa XXIII Pandaigdigang Araw ng mga Kabataan, upang sa Sydney ay mapagpapanibago ninyo ang mga pangakong inyong ginawa sa inyong Binyag at Kumpil. Sama-sama nating tatawagin ang Espiritu Santo, buong tiwalang hihilingin sa Diyos ang biyaya ng isang bagong Pentekostes para sa Simbahan at para sa sangkatauhan sa ikatlong milenyo.

Sa mga buwang ito, nawa’y samahan kayo ni Maria, kaisa sa panalangin ng mga Apostoles sa Silid sa Itaas, at hingin para sa lahat ng mga kabataang Kristiyano ang isang bagong pagbuhos ng Espiritu Santo upang pagningasin ang kanilang mga puso. Tandaan: may pagtitiwala ang Simbahan sa inyo! Kaming mga Pastol, lalo na, ay nananalangin na kayo nawa ay magmahal at gumabay sa iba upang mahalin si Hesus nang higit pa at sundan nawa ninyo Siya nang buong-katapatan. Sa ganitong damdamin, kayo ay aking binabasbasan nang may taos-pusong pagmamahal.

Mula sa Lorenzago, 20 Hulyo 2007

BENEDICTO PP. XVI